Friday, April 15, 2011

Hudas

Si Judas Iscariot ang paborito ko sa 12 apostoles ni Jesus. Pero bago ninyo ako husgahan ay hayaan ninyong sabihin ko ang mga dahilan.

Una ay kilalanin natin si Judas Iscariot. Sino ba siya?

Ang pangalang Judas ay saling Griyego mula sa pangalang Hebrew na Judah samantalang ang Iscariot naman ay nagpapakilala kung ano ang background ni Judas. Ayon sa mga eksperto ang Iscariot ay nagsasabi na si Judas ay mula sa Kerioth, isang lugar sa dating Judea at nagpapakita na siya ay mula sa southern Palestine habang ang isa pang Judas na apostoles ay mula sa Galilee.

Isa pang theory, na mas kinikilingan ko, ay ang pangalang Iscariot ay mula sa Latin na salitang "sicarius" na nangangahulugang "dagger-man". Ang mga Sicarri ay isang grupo ng mga rebeldeng naglalayong palayasin ang mga Romano na umaalipin noon sa mga Judio.

Dahil dito, masasabing si Judas Iscariot ay isang rebolusyonaryo. Nilalabanan niya kasama ang mga Sicarri ang panunupil ng mga Romano na kumubkob sa kanilang tinubuang lupa.

Masasabing tinitingnan ni Iscariot si Jesus bilang isang lider ng mga Judio na mangunguna na palayain ang kanilang bansa sa kuko ng Agilang Romano.

Ngunit nagbago ang ihip ng hangin dahil hindi ginamit ni Jesus ang kanyang kapangyarihan upang pamunuan ang pag-aalsa laban sa mga Romano.

Dahil dito pinuwersa ni Judas ang sitwasyon. Kinuha niya ang 13 pilak na ibinigay sa kanya at inginuso kung nasaan si Jesus upang arestuhin.



Malamang na ang iniisip ni Judas ay mapipilitan si Jesus na gamitin ang kanyang mga powers upang labanan ang mga Romano at pagdaka'y pamumunuan ang rebolusyon.

Ngunit may ibang plano si Jesus.

Dahil hindi naisakatuparan ang mga plano ni Judas, siya ay nagpakamatay. Malamang hindi niya matanggap na hindi pamumunuan ni Jesus ang rebolusyon at nabigo ang kanyang pinapangarap na pagbawi ng kanyang bansa sa mga Romano.

Sa ganitong pananaw, masasabing ang focus ni Judas Iscariot ay political. Isa siyang rebolusyonaryo.

Pero ngayon, sa kasamaang palad at dahil na rin sa pagpapalaganap ng Simbahan sa maling interpretasyon ng mga pangyayari, si Judas Iscariot ay kinukutya at kadalasang idinidikit sa mga masamang gawain.

Tulad na lamang ng pagnanakaw at ibang krimen. Tinatawag nating mala-Judas na gawain ang pagpatay. Nanghuhudas ang nagsisinungaling. Mala-Judas na gawain ang pangre-reape. Mala-Judas na ugali ang paninira sa kapwa at iba't iba pang ka-Judasan.

Maging ang hindi pagbabayad sa jeep ay mala-Judas na gawain. Natatandaan mo ba ang katagang "God Knows Hudas Not Pay?"

Pero para sa akin, si Judas ay isang rebolusyonaryo. Hangad niya ang kalayaan ng kanyang bayan. Masasabi ring biktima siya ng mga pangyayaring hindi niya kayang kontrolin.

Tawagin ninyo na akong Judas. Pero si Judas ang paborito kong apostoles.

Wednesday, April 13, 2011

Maharlika



Isa sa mga  pinasikat na salita ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos ang Maharlika, na hango sa Sanskrit na ang maaaring ang ibig sabihin ay mandirigma, mahal na likha, marangal o may dugong bughay.




Iminungkahi pa ni Marcos na ipalit sa pangalan ng bansa ang Maharlika, nakung natuloy malamang ang tawag sa ating ngayon ay Maharlikans, Maharlikanyo o Maharlikanya. Kung natuloy kito, naglaho ang bansag na Pinoy, ito ay malamang na naging Mahar o Mahor, Manyo o Manya. Puwede ring Manoy. Ang sama!


Sobrang gigil ni Marcos sa salitang Maharlika kaya'y napakaraming lansangan sa bansa ang kanyang ipinangalan dito. Maging mga kumpanya ng pamahalaan ay ipinangalan niya rito. Natatandaan ninyo ba ang Maharlika Broadcasting System? Ito ang Chan. 4 na ang tawag ngayon ay National Broadcasting Network.

May Maharlika Village, Maharlika bottled water, Maharlika jeans, Maharlika tops, Maharlika watch, Maharlika baller, Maharlika condoms, Maharlika bread, Maharlika rice, Maharlika salt, Maharlika calendar, Maharlika ekek, Maharlika churba, at iba pa.

Katunayan, sobrang adik nitong si Marcos sa salitang Maharlika kaya't inangkin pa niyang siya ang nanguna sa isang yunit ng mga gerilya noong ikalawang pangmundong digmaan na ang pangalan ay Maharlika. Nais sigurong ipakita ni Marcos na siya ay mandirigma. Isang bayani!

Pero nabuking ang Maharlika, este si Marcos.

Sa isang artikulo na inilimbag ng The New York Times noong Enero 23, 1986 na pinamagatang  "Marcos's Wartime Role Discredited in US Files", kitang kita na dinoktor lamang ni Marcos ang kanyang mga naging bahagi sa Maharlika Unit.

Bagamat totoong nagkaroon ng ganitong yunit ang mga gerilyang Pinoy, nadiskubre ng mga manunulat at mananaliksik na sina Jeff Gerth at Joel Brinkley na hindi naiguhit ni Marcos ang kanyang sarili bilang isang pinuno ng mga gerilya.
Katunayan, may mga pagkakataon pa na ang mga kasapi ng Maharlika ay nakipagkutsabaan sa mga Hapon.

Nainterview rin ng dalawa si Ray C. Hunt Jr., na nagsilbing Army Captain sa Pangasinan noong digmaan ay sinabi niyang, "Marcos was never the leader of a large guerilla organization. no way. Nothing like that could have happened without my knowledge."

Kung hindi totoo ito, ano ang totoo?

Base sa naranasan ko at nabasa ko ukol kay Marcos, mas maniniwala ako kay Hunt Jr.

Sino ba namang Pinoy ang maniniwala kay Marcos at sa kanyang pamilya? Wala naman di, ba? Maliban na lamang dun sa mga kongresistang pumirma na gustong malibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Pero kung hindi siya naging lider ng mga gerilya, kailan siya naging bayani?

Wala lang, nagtatanong lang...





Tuesday, April 12, 2011

Manila Times "Unwitting" Reunion


Nitong nakaraang Biyernes, Abril 8, ay nagkitakita muli sa isang reunion ang bumubuo ng The Manila Times na pinangasiwaan ng pamilyang Gokongwei.

Dumating sa reunion na ginanap sa Gilligans restaurant ang magkapatid na Gokongwei na sina Robina at Lisa,  ang mga nagtaguyod sa pahayagan matapos magdesisyon ang pamilyang Roces na ibenta ang isa sa mga itinuturing na haligi ng pamamahayag sa bansa.

Friday, April 8, 2011

Boss Mikey




Isa sa mga paborito kong Pinoy gangster ay si Nardong Putik na ginampanan sa pinilakang tabing ni Ramon Revilla, ang dating Senador at ama ni ngayo'y Senator Bong Revilla. Sabi nga nila kung ano ang puno iyon ang bunga. Tama ba ito Senator Jess Lapid.

Pumasok ito sa isipan ko dahil sa kasong isinampa kay Mikey Arroyo na ayon sa BIR ay tulad sa isinampang kaso laban kay Al Capone, ang kilalang American gansters na hindi mahabol ng pamahalaan sa mga kasong kriminal kaya't sinampahan ng kasong tax evasion.

Pero ang hindi ko mawari ay kung bakit naging artista si Mikey Arroyo. Kung  baga, wala siyang dugong pangpinalakang tabing. Pero si Mikey "Al Capone" Arroyo ay may 15 pelikula maipagmamalaki.

Kasama rito ang mga sumusunod:
1. Sablay ka na, pasaway ka pa (2005) - (Parang nangyari ito sa totong buhay ni Mikey, sablay na sa pagbabayad ng tax, pasaway pa sa sagot na siya ay hinaharass.)


 2. Masamang ugat (2003) - (Like mother like son?)


3. A.B. normal college (Todo na 'yan, kulang pa 'yun) (2003) - (Normal ba sa isang artista na isabuhay ang kanyang mga ginampanang roles sa pelikula?)


4. Walang iba kundi ikaw (2002) - (Oo naman, walang iba kung kayo, hindi ba Rufa Mae?)


5. Di kita ma-reach (2001) - (Mahirap talagang ma-reach ang mga yumaman sa campaign donations.)



6. Mahal kita... kahit sino ka pa (2001) - (Ano masasabi mo Rufa Mae?)



7. Super Idol (2001) - (Idol sa tax evasion, idol sa pagtatago sa palda ng kanyang nanay.)


8. Di ko kayang tanggapin (2000) - (Mahirap talagang tanggapin na tapos na ang panahon ng mga Arroyos.)

9. Largado, ibabalik kita sa pinanggalingan mo! (1999) - (Malamang hindi ka sa Pampanga bumalik kungdi pulutin sa QC Jail.)

10. Boyfriend kong pari, Ang (1999) - (Hindi ko alam na relihiyoso ka pala Mikey. Magdasal ka na dahil mahirap mabilibid.)

11. Maton at ang showgirl, Ang (1998) - (Maton mong mukha mo, showgirl puwede pa. Hindi ba Fafa Mikey)

12. Tapatan ng tapang (1997) - (Walang itatapat, walang panapat, ang alam lang ay magtago.)

13. Hawak ko Buhay mo (1996) - (Ngayon masasabing hindi mo na hawak ang buhay mo, hawak na ito ng BIR)

Sa dinami-dami ng ginampanang roles ni Mikey sa pelikula, mukhang wala siyang nakuhang award. Pero aanhin mo naman ang awards kung kasama mo sa pelikula sina Rufa Mae, na napabalitang naging jowa niya.

Nakasama rin niya sa pelikula si Judy Ann Santos at mga bigateng artistang si Eddie Garcia.

Ang kapansin-pansin kay Mikey bilang artista ay wala siyang pinagbidahan bilang action star.
Ang forte niya ang pagpapakyut lalong-lalo na sa mga pelikulang ang pinaghugutan ay ang mga makatindig balahibong awitin ni April Boy.

Pero kabaliktaran nito ang ginagampanang role ni Mikey sa totoong buhay.

Kung pakyut si Mikey sa pelikula, hindi siya mahuhuling paduday sa totoong buhay.

Katunayan, palaban si Mikey lalo na dun sa mga bumabatikos sa kanyang pamilya, na itinuturing ng marami na isang mafioso family.

Pero hindi nakuha ni Mikey ang galing ng kanyang mga magulang. Kung hanggang ngayon ay nagkakawindang-windang ang lahat ng pagkilos upang maikulong ang kanyang nanay, si Mikey ay nasakote ni Mareng Winning sa national TeeVee.

Buking si Mikey at lumabas ang totoong hindi siya maayos umarte.

Ngayon hinahabol na siya sa salang tax evasion. Dawit pa ang esmi niya.

Ano kaya ang susunod na kabanata sa kanyang makulay at kadalasa'y masalimuot na buhay?

Sa ganang akin, maganda kung isasabuhay niya hindi lamang ang pagiging gangster, kungdi maging ang pagpapakulong kay Al Capoine sa Alcatraz.

Ano masasabi mo Mikey?