Isa sa mga pinasikat na salita ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos ang Maharlika, na hango sa Sanskrit na ang maaaring ang ibig sabihin ay mandirigma, mahal na likha, marangal o may dugong bughay.
Iminungkahi pa ni Marcos na ipalit sa pangalan ng bansa ang Maharlika, nakung natuloy malamang ang tawag sa ating ngayon ay Maharlikans, Maharlikanyo o Maharlikanya. Kung natuloy kito, naglaho ang bansag na Pinoy, ito ay malamang na naging Mahar o Mahor, Manyo o Manya. Puwede ring Manoy. Ang sama!
Sobrang gigil ni Marcos sa salitang Maharlika kaya'y napakaraming lansangan sa bansa ang kanyang ipinangalan dito. Maging mga kumpanya ng pamahalaan ay ipinangalan niya rito. Natatandaan ninyo ba ang Maharlika Broadcasting System? Ito ang Chan. 4 na ang tawag ngayon ay National Broadcasting Network.
May Maharlika Village, Maharlika bottled water, Maharlika jeans, Maharlika tops, Maharlika watch, Maharlika baller, Maharlika condoms, Maharlika bread, Maharlika rice, Maharlika salt, Maharlika calendar, Maharlika ekek, Maharlika churba, at iba pa.
Katunayan, sobrang adik nitong si Marcos sa salitang Maharlika kaya't inangkin pa niyang siya ang nanguna sa isang yunit ng mga gerilya noong ikalawang pangmundong digmaan na ang pangalan ay Maharlika. Nais sigurong ipakita ni Marcos na siya ay mandirigma. Isang bayani!
Pero nabuking ang Maharlika, este si Marcos.
Sa isang artikulo na inilimbag ng The New York Times noong Enero 23, 1986 na pinamagatang "Marcos's Wartime Role Discredited in US Files", kitang kita na dinoktor lamang ni Marcos ang kanyang mga naging bahagi sa Maharlika Unit.
Bagamat totoong nagkaroon ng ganitong yunit ang mga gerilyang Pinoy, nadiskubre ng mga manunulat at mananaliksik na sina Jeff Gerth at Joel Brinkley na hindi naiguhit ni Marcos ang kanyang sarili bilang isang pinuno ng mga gerilya.
Katunayan, may mga pagkakataon pa na ang mga kasapi ng Maharlika ay nakipagkutsabaan sa mga Hapon.
Nainterview rin ng dalawa si Ray C. Hunt Jr., na nagsilbing Army Captain sa Pangasinan noong digmaan ay sinabi niyang, "Marcos was never the leader of a large guerilla organization. no way. Nothing like that could have happened without my knowledge."
Kung hindi totoo ito, ano ang totoo?
Base sa naranasan ko at nabasa ko ukol kay Marcos, mas maniniwala ako kay Hunt Jr.
Sino ba namang Pinoy ang maniniwala kay Marcos at sa kanyang pamilya? Wala naman di, ba? Maliban na lamang dun sa mga kongresistang pumirma na gustong malibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Pero kung hindi siya naging lider ng mga gerilya, kailan siya naging bayani?
Wala lang, nagtatanong lang...