Kadalasang nagsisimula ang araw ko sa pag-inom ng mainit na brewed barakong kape. At kadalasan ding nagwawakas ang araw ko sa pamamagitan ng isa pang mug ng matapang na barakong kape. Lalu ngayong tag-ulan, napakasarap uminom ng kape.
Nito lamang Sabado nang dumalaw ako sa Lipa City para sa isang seminar, nag-uwi ng isang kilong barako, ang pinakapaborito kong kape. Sa tantiya ko, umaabot lamang ng isang buwan ang isang kilong kape sa bahay at kung minsan ay kapos pa nga laluna't makikiinom ang mga kapitbahay kapag nalanghap nila ang napakabangong amoy ng barakong kape.
Kaya't sinasamantala ko ang mga pagkakataon na puwede akong magpabili ng Kape sa Batangas o maging sa Baguio na kung saan mabibili ang mga "high land" coffee mula sa Banawe at Sagada.