Tuesday, January 17, 2012

Ang Reyna at ang Corona


Larawan mula sa spot.ph
Kung ang impeachment proceeding upang mapatalsik si Chief Justice ay isang chess, maituturing na kaya nais ma-check mate si Renato Corona ay upang makain ang Reyna, na walang iba kungdi si Gloria Macapagal-Arroyo.

Huwag nating kalimutan na kaya sinusubukang mapatalsik si Corona ay dahil dinidepensahan niya si Reyna Gloria, na kasalukuyang nagbabakasyon sa veterans hospital.

Oo, na-immobilize na si GMA pero hindi ibig sabihin ay naigupo na siya. At kung magpapatuloy ang paglitis sa dating pangulong itinuturing na mas masahol pa sa yumaong diktador na si Marcos kung ang usapin ay kabuktutuan sa pamamahala, tila suntok sa buwang mahahatulan ito dahil ang nakaupo nga sa Korte Suprema ay pawang mga tauhan ni GMA, na inisyuhan ng arrest warrant dahil salang electoral sabotage.

Monday, January 16, 2012

Corona Impeachment Infographics

Para sa mga tagasunod ng blog na ito, ipinapaskil ko rito ang isang infographics upang mas lalo nating maintidihan ang makasaysayang impeachment case laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona.

Galing sa webpage na ito ang infographics na inaasahang makakatulong sa mga sumusubaybay sa impechment ni Corona na kilalang kabaro ng kasalukuyang "nagbabakasyong" si Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Sana ay hindi lang sila maging magkabaro forever kungdi maging magkakosa rin.

Tuesday, January 10, 2012

Nakakatindig balahibo

Hindi ko alam kung ano ang nasa isip ng mga taga-Pandacan nang  ginawa nilang Hermana Mayor ang asawa ng dating diktador at human rights violator na si Ferdinand Marcos.

Makikita sa larawan sa itaas ang screenshot ng mypandacan.com at doon ay tila ipinangangalandakan pa na si Imelda, ang Ina ng Diktadura sa binansagang Conjugal Dictatorship at ngayon ay kinatawan ng Ilocos sa Mababang Kapulungan, ay kasama nila sa larawan.

Tumayo ang balahibo ko. Nanlaki ang mata ko. At napamura ako ng "EntengInaNyo" nang tumambad sa akin ang larawan ito. Sigurado ako na kung buhay si Fr. Jacinto Zamora, ang isa sa binansagang GomBurZa at taal na Pandaqueno, ay malamang binaston niya ang mga taga-Pandacan. Kasama ni Fr. Zamora sina Padre Jose Apolonio Burgos at Padre Mariano Gomez na ginarote ng mga Kastila dahil kasama sila sa mga naghimagsik laban sa mga mananakop.

Sunday, January 8, 2012

Philippine coffee



Nagpapasalamat ako sa aking ama dahil tinuruan niya akong magkape. Nagsimula iyon noong nagpapatimpla siya ng instant coffee. Siyempre, tinitikman ko muna upang malasahan kung ayos na sa panlasa niya.

Dahil sa aking pagiging masunurin, nakabuo ako ng sariling panlasa sa kape at kung paano ito titimplahin.

Pero nagsimula akong mag-aral ukol sa kape nang buksan ng isang kaibigan ang aking pag-iisip na ang instant coffee ay itinuturing ng mga talagang mahihilig sa kape bilang "kalawang", hindi dahil sa kulay at lasa nito kungdi dahil sa dami ng chemicals sa instant coffee.