Kapag may dinaramdam ka sino ang naiisip mo
?
Marami na kasing pagkakataon na kapag dinadapuan ako ng sakit, ang nanay ko ang naiisip ko. Automatic iyon. Naiisip ko agad si Ermat.
Sigurado kasing alam niya ang gagawain kung paano maiibsan ang nararamdaman ko. Iba talaga ang mga nanay, haplos lang ng kanilang mga palad ay parang nawawala na ang sakit na iyong nararamdaman.
Sa mga pagkakataong ganoon, mararamdaman mo kung gaano kahalaga ang iyong ina sa kabila ng mga isinusumbat nating pagkukulang niya.
Ayaw kasi natin ng pakialamerang nanay, madaldal na nanay, mataray na nanay o kaya ay istriktong nanay.
Naranasan kong lahat ito sa nanay ko. Nakikialam sa buhok ko, dinadakdakan ako kapag may mga ginawang iresponsable, tinatarayan kapag may mga pagkakamali at itinatama sa tingin niya ay wastong ugali.
Pero nong napaaway ka sino ba ang kakampi mo? Parang shock absorbers natin ang mga nanay, sila ang tumatanggap ng mga kaldag sa ating buhay di ba?