Tinanguan kahapon, Enero 31, ng population committee ng House of Representatives ang Reproductive Health Bill na nangangahulugang puwede na itong pagdebatihan sa plenary.
Ano ba ang RH Bill?
Binibigyan ng RH Bill ng ayuda ang mga mag-asawa o nagsasama na makapagplano sa laki ng kanilang pamilya. Mahalaga ang pagpaplano ng pamilya dahil hindi lamang pagsasama ng may-asawa ang dapat planuhin kungdi maging ang bilang ng mga anak.
Tandaan nating malaking responsibilidad ang pagkakaroon ng anak. Hindi lamang pagkain, tirahan at kalusugan ang dapat paghandaan ng mga magulang kungdi maging ang pag-aaral ng mga bata.
Dahil dito, makakatulong ng malaki ang RH Bill dahil tutukan nito ang edukasyon kung paano magagamit ang mga moderno at tradisyunal na paraan kung paano magpaplano ng pamilya.
Pero bakit ito tinututulan ng Iglesiya Katoliko?
Theological ang dahilan ng pagtutol ng mga katoliko sa RH Bill. Para sa kanila, nagsisimula ang buhay sa fertilization. At kapag ikaw ay pumasok sa akto ng pagbuo ng buhay o ng sex at gumamit ka ng mga pamamaraan upang hindi mabuo ang bata, ito ay maituturing na abortion.
Pero ang tanong ay paano kung hindi ka Katoliko at gusto mong planuhin ang pamilya mo sa pamamagitan ng modernong pamamaraan? Yari ka dahil wala pang batas na nagsasabing dapat ay tulungan ka ng pamahalaan para magplano ng pamilya.
Sana ay makita ng mga mambabatas sa ating bansa na hindi puro katoliko ang tao sa Pilipinas.
May mga hindi Kristiyano bagkus Islam ang paniniwala. Mayroon namang hindi talaga naniniwala sa Diyos. At mismong sa Kristiyanismo, mayroong mga taliwas sa theology at doktrina ng Iglesia Katoliko. May mga home grown churches pa nga tulad ng Iglesia ni Kristo.
Pero ang malinaw, hindi lahat ng ito ay sang-ayon sa Iglesia Kataliko.
Dahil dito, nais kong manawagan na suportahan natin ang ating mga mambabatas upang bumoto para sa
RH Bill. Sulatan natin sila at ipahayag ang ating pagsuporta sa RH Bill. Kung alam mo ang email ng iyong kinatawan, mag-email ka at ipabatid ang iyong dahilan sa pagsuporta sa RH Bill.
Gawain din natin ito sa mga Senador. Kung may lobby ang mga Katoliko, mag-lobby rin tayo para sa RH Bill.
Hindi na ito labanan ng katoliko at hindi katoliko. Ito ay laban para sa pamilya Pilipino na naghahangad na makapagplano.